Mahigit 8,400 senior citizens sa rehiyon ng MIMAROPA ang nakatanggap ng cash gift mula sa pamahalaan ngayong taon, batay sa ulat ng National Commission of Senior Citizens (NCSC)–MIMAROPA.
Ayon kay Maricel De la Vega-Urdas ng NCSC MIMAROPA, umabot na sa 8,409 ang mga benepisyaryong nabigyan ng tulong pinansyal hanggang Oktubre 25, 2025, na may kabuuang halagang ₱87.87 milyon na ipinamahagi sa mga octogenarian (80–89 anyos), nonagenarian (90–99 anyos), at centenarian (100 anyos pataas) sa buong rehiyon. Sa bilang na ito, 42 ang centenarians na tumanggap ng P100,000 cash gift.
Lumampas ito sa target ng Department of Budget and Management (DBM) na 8,128 benepisyaryo, katumbas ng 103.46% performance rate.
Ang programa ay alinsunod sa Republic Act No. 11982 o ang Expanded Centenarian Act, na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na layong parangalan at bigyan ng insentibo ang mga Pilipinong umaabot sa edad na 80, 90, at 100.
Ayon sa NCSC, magpapatuloy pa rin ang pamamahagi ng nasabing insentibo sa mga susunod na buwan upang masiguro na lahat ng kwalipikadong senior citizens sa rehiyon ay makinabang sa programa.




































 
                
Discussion about this post