Sinuspinde ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, ang Regional Director ng LTO MIMAROPA Region matapos masangkot sa umano’y isyu ng korapsyon na kasalukuyan nang iniimbestigahan ng ahensya.
“Ni-recall ko sa LTO Central Office ang RD ng LTO-MIMAROPA habang patuloy na iniimbestigahan ang isyu dahil sa umano’y mga anomalya. Bahagi ito ng ating malawakang anti-corruption effort upang linisin ang hanay ng LTO,” pahayag ni Lacanilao.
Batay sa reklamo na natanggap ng LTO Central Office, hinihingan umano ng mga tauhan ng nasabing opisyal ng ₱50,000 kada buwan ang ilang proponent kapalit ng mabilis na pagproseso ng aplikasyon. Ayon sa isang complainant, ipinadala ang naturang halaga sa pamamagitan ng money remittance service, kalakip ang resibong nagsilbing ebidensya ng umano’y iregular na transaksyon.
Sa initial investigation, natuklasan umano ng LTO na ginagamit ng grupo ang pagpi-pending ng aplikasyon bilang paraan upang mapilitang magbigay ng pera ang mga aplikante.
Bukod dito, ilang transport groups din ang naghain ng reklamo laban sa nasabing opisyal na umano’y naniningil ng ₱7,000 kada unit ng sasakyan upang hindi maharang o mahanapan ng “butas” sa dokumento.
Isa rin sa mga napuna ni Asec. Lacanilao sa mismong tanggapan ng LTO MIMAROPA ay ang kawalan ng maayos na serbisyo sa mga kliyente, kabilang ang mga sirang upuan sa waiting area na aniya’y sumasalamin sa kapabayaan sa pamumuno.
Tiniyak ng LTO Chief na hindi palalampasin ng ahensya ang anumang uri ng katiwalian at paiigtingin pa ang mga reporma upang maibalik ang tiwala ng publiko sa kanilang serbisyo.
“Ang LTO ay para sa taumbayan — at sisiguraduhin nating mananatiling malinis, tapat, at episyente ang serbisyo sa lahat,” ani Lacanilao.




































Discussion about this post