Patay ang isang menor de edad habang sugatan ang tatlong iba pa matapos umanong saksakin ng isang 18-anyos na lalaking nag-amok sa isang sayawan sa Barangay Ginablan, Romblon, Romblon noong gabi ng October 30, ayon sa ulat ng Romblon Police Provincial Office.
Batay sa imbestigasyon, naganap ang insidente bandang alas-11 ng gabi habang sumasayaw ang mga biktimang sina alyas Alonzo (20 anyos) at ang nasawing si alyas Wayne (17 anyos). Nagkaroon umano ng pagtatalo sa pagitan ng grupo ng mga biktima at ng suspek na si alyas Anjo, na nauwi sa suntukan.
Nasa ulat din na sa gitna ng kaguluhan, bumunot umano ng balisong ang suspek at inundayan ng saksak ang dalawang binata. Isa sa kanila ang tinamaan sa lower abdomen, habang ang isa naman ay nasugatan sa dibdib at leeg.
Dalawang barangay tanod ang nagtangkang umawat ngunit nasugatan din matapos silang saksakin ng suspek sa paa at hita.
Matapos ang krimen, tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo ngunit naaresto rin agad ng mga rumespondeng pulis at dinala sa Romblon Municipal Police Station. Narekober din ng mga awtoridad ang ginamit na patalim sa crime scene.
Dinala naman sa Romblon District Hospital ang mga biktima para malapatan ng lunas ngunit binawian ng buhay nitong Biyernes, October 31, ang menor de edad.
Nakakulong ngayon ang suspek at posibleng maharap sa patong-patong na kaso.




































Discussion about this post