Umabot sa ₱345,000 halaga ng tulong pangkabuhayan ang ipinamahagi ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga maliliit na negosyante sa bayan ng Concepcion, Sibale Island, Romblon noong Huwebes, Oktubre 23.
Ayon kay DTI MIMAROPA Regional Director Amormio Benter, 23 micro, small, at medium enterprises (MSMEs) mula sa bayan ang nakatanggap ng livelihood kits sa ilalim ng Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa (PPG) Program ng ahensya.
Bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng ₱15,000 halaga ng mga grocery items at supply na maaaring gamitin bilang panimulang puhunan o pantulong sa muling pagpapalago ng kanilang mga sari-sari store at iba pang maliit na negosyo.
Ang PPG Program ay isa sa mga pangunahing inisyatibo ng DTI na naglalayong tulungan ang mga micro entrepreneurs at mga indibidwal na naapektuhan ng kalamidad, sakuna, o krisis pang-ekonomiya upang muling makabangon at makapagsimula ng kabuhayan. Bukod sa tulong materyal, nagbibigay din ang programa ng business mentoring upang matiyak ang tuloy-tuloy na kita at pag-unlad ng mga benepisyaryo.
Pinuri ni Director Benter ang mga nakatanggap ng tulong dahil sa kanilang sipag at determinasyon sa pagpapatuloy ng kanilang kabuhayan at hinikayat silang gamitin nang maayos ang ipinagkaloob na tulong upang lalo pang mapatatag ang kanilang mga negosyo.
Dagdag pa ni Benter, patuloy ang DTI sa pakikipagtulungan sa mga MSMEs sa Romblon upang suportahan ang pagbangon, paglago, at pag-asenso ng mga lokal na negosyante sa rehiyon.




































Discussion about this post