Pinangunahan ng Department of Agriculture (DA)–MIMAROPA ang pormal na turnover ng ₱1.3 milyong halaga ng solar-powered greenhouse na may hydroponic system sa Romblon State University (RSU) – College of Agriculture, Forestry, and Environmental Science (CAFES) Extramural Campus sa Barangay Agpudlos, San Andres, Romblon noong Oktubre 28.
Ang proyekto ay bahagi ng National Urban and Peri-Urban Agriculture Program ng DA-MIMAROPA na layong palaganapin ang paggamit ng makabago at climate-resilient na teknolohiya sa agrikultura, upang makatugon sa mga hamon ng nagbabagong klima at mapalakas ang produksyon ng pagkain sa rehiyon.
Ayon kay Engr. Analiza Escarilla, Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) ng DA-Romblon, layon ng proyekto na gawing moderno at kapana-panabik ang agrikultura para sa mga kabataan. “Ang greenhouse na ito ay simbolo ng bagong henerasyon ng mga magsasaka na handang yakapin ang teknolohiya at pagbabago,” aniya.
Ang bagong pasilidad ay gumagamit ng renewable solar energy at hydroponic system, isang paraan ng pagtatanim na hindi gumagamit ng lupa at nangangailangan lamang ng mas kaunting tubig. Inaasahan na magbibigay ito ng mas mataas na ani, mas mababang gastos, at mas maliit na epekto sa kapaligiran.
Bukod sa pagiging demonstration site, magsisilbi rin itong learning at research hub para sa mga estudyante, guro, at lokal na magsasaka na nais matuto ng makabagong pamamaraan sa pagsasaka.
Ayon naman kay DA-MIMAROPA Regional Executive Director Atty. Christopher Bañas, layon ng programa na palakasin ang mga institusyong pang-edukasyon bilang katuwang sa pagpapaunlad ng susunod na henerasyon ng mga agriculturist. “Ang mga estudyante ngayon ang magiging lider sa makabagong agrikultura ng bansa,” pahayag niya.
Dumalo rin sa turnover sina Dr. Tomas Faminial, Vice President for Administration and Finance; Dr. Alfredo F. Fortu Jr., Dean ng CAFES; at Juniel G. Lucidos, Dean of Instruction ng RSU-CAFES.
Sa panig ng RSU, sinabi ni Dean Lucidos na ang greenhouse ay magbabago ng pananaw ng kabataan sa agrikultura. “Layunin naming ipakita na ang agrikultura ay isang modernong propesyon na pwedeng hangarin ng kabataan,” aniya.
Ibinahagi naman ni Ruth Ann Fesarit, CAFESSO Governor at 3rd year BS Agriculture student, na malaking tulong sa kanilang pag-aaral ang bagong pasilidad. “Dito namin maisasagawa ang mga research at thesis projects namin sa aktwal na setup,” aniya.




































Discussion about this post