Magkahiwalay na ginunita ngayong October 24 sa mga bayan ng Cajidiocan sa Sibuyan Island at Alcantara sa Tablas Island, Romblon ang ika-81 anibersaryo ng Battle of the Sibuyan Sea, bilang pagpupugay sa mga sundalong nasawi sa isa sa pinakamalaking labanan sa karagatan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Sa Cajidiocan, idinaos ang programa sa port, na kinapalooban ng misa na pinangunahan ni Rev. Fr. Nelson Aris Mutia ng Santa Barbara Parish. Sa kanyang homiliya, paalala ni Fr. Mutia na, “hindi karuwagan ang makipag-ayos sa nakaaway,” na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagkakasundo at pag-alala sa mga aral ng kasaysayan.
Kasama sa mga aktibidad ang pag-aalay ng bulaklak ng mga opisyal ng pamahalaang lokal, volley of fire mula sa Philippine National Police, at candle lighting at wreath floating na isinagawa ng Philippine Coast Guard bilang tanda ng paggalang sa mga nasawing sundalo na nagbuwis ng buhay sa labanan.
Ang Battle of the Sibuyan Sea ay itinuturing na ikalawang pinakamalaking naval battle sa South Pacific noong World War II. Naganap ito noong Oktubre 24, 1944, sa pagitan ng puwersang pandagat ng Estados Unidos at Imperyo ng Hapon bilang bahagi ng mas malaking Battle of Leyte Gulf. Dito unang lumubog ang kilalang Japanese battleship Musashi, isa sa pinakamalalaking barkong pandigma sa kasaysayan.
Samantala, sa bayan ng Alcantara, sinimulan ang paggunita sa pamamagitan ng thanksgiving mass sa St. Thomas de Villanueva Parish Church, na sinundan ng foot parade patungo sa Battle of Sibuyan Sea landmark. Nag-alay ng bulaklak sa bantayog ang mga lokal na opisyal, kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, at mga panauhin bago ang pagbubukas ng programa.
Bilang pagkilala rin sa kasaysayang ito, inihain ni Romblon Congressman Eleandro Madrona sa 20th Congress ang isang panukalang batas na magtatatag ng Battle of the Sibuyan Sea Memorial Shrine sa bayan ng Cajidiocan. Layunin ng panukala na itaguyod ang alaala ng labanan bilang pambansang bantayog ng kabayanihan, at magsilbing paalala ng sakripisyo at tapang ng mga lumahok dito.




































Discussion about this post