Ipinahayag ng Romblon Diocesan Council of the Laity (RDCL) ang kanilang suporta sa panawagan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na kondenahin ang mga kaso ng katiwalian, partikular sa mga proyektong may kinalaman sa flood control.
Sa kanilang opisyal na pahayag, iginiit ng RDCL na hindi biro ang epekto ng katiwalian sa imprastruktura, kalikasan, at sa mamamayang apektado ng mga proyektong pinondohan mula sa kaban ng bayan.
“Hindi na sapat ang manahimik. Kailangan nating makiisa sa panawagan para sa isang masusing, tapat, at makatarungang imbestigasyon—isang prosesong hindi lamang naghahanap ng katotohanan kundi nagsusulong ng hustisya para sa mga nasalanta ng kapabayaan at maling pamamahala,” ayon sa konseho.
Dagdag pa ng RDCL, tungkulin ng bawat Kristiyano na ipanagot ang mga nasa kapangyarihan na sangkot sa sistematikong katiwalian. Kabilang dito ang pagtutuligsa sa kultura ng political patronage, pagtataguyod ng transparency, at aktibong pakikilahok sa mga inisyatiba para maitama ang baluktot na sistema.
Binibigyang-diin din ng konseho ang mahalagang papel ng kabataan sa paghubog ng bagong pamumuno na nakabatay sa integridad, pananagutan, at katapatan.
“Sa ating sama-samang pagkilos, makakamit natin ang isang lipunang malaya sa baha ng katiwalian—isang lipunang tunay na makatarungan, mapagmalasakit, at maka-Diyos,” nakasaad pa sa kanilang pahayag.
Ang paninindigan ng RDCL ay bahagi ng dumaraming panawagan mula sa iba’t ibang sektor para sa masusing imbestigasyon sa anomalya sa flood control projects na kasalukuyang iniimbestigahan ng pamahalaan.
Discussion about this post