Inaprubahan sa komite ng Kamara ang House Bill 4152 na inakda ni Lone District Representative Eleandro Jesus “Budoy” Madrona para sa pagtatatag ng isang regular na District Office ng Land Transportation Office (LTO) sa bayan ng San Agustin, Romblon.
Ang panukala, na pinamagatang “An Act Establishing a Regular District Office of the Land Transportation Office (LTO) in the Municipality of San Agustin, Province of Romblon and Appropriating Funds Therefor”, ay inaprubahan noong September 11 sa pagdinig ng Committee on Transportation na pinamumunuan ni Quezon City 3rd District Rep. Franz Pumaren.
Sa kasalukuyan, may LTO Extension Office sa San Agustin na naitatag sa tulong ng lokal na pamahalaan at noo’y si Mayor Esteban Santiago F. Madrona, sa bisa ng Office Order No. VDM-2024-290.
Limitado pa rin ang operasyon nito dahil nakasalalay ang mga tauhan at serbisyo sa pangunahing opisina ng LTO sa Odiongan.
Kapag naisabatas, iko-convert ng HB 4152 ang San Agustin Extension Office bilang isang ganap na LTO District Office na magkakaroon ng permanenteng staff, sariling budget, at mga pasilidad.
Ang opisina sa San Agustin ay nagsisilbi rin sa mga kalapit na munisipalidad kabilang ang Calatrava, Sta. Maria, Romblon, Magdiwang, Cajidiocan, San Fernando, Banton, at Concepcion.
Discussion about this post