Suportado ng League of Provinces of the Philippines (LPP) ang panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking dadaan muna sa konsultasyon sa mga lokal na pamahalaan ang lahat ng proyekto ng imprastraktura bago ipatupad ng pambansang gobyerno.
Sa kanilang opisyal na pahayag, binigyang-diin ng mga gobernador na ang kawalan ng konsultasyon ay lumalabag sa probisyon ng Local Government Code of 1991 na nagsasabing kinakailangang sanggunian ang mga lokal na pamahalaan sa mga proyektong ipatutupad sa kanilang hurisdiksyon.
Ayon sa LPP, ang mga problema sa pagbaha ay hindi lamang nakakaapekto sa mga residente kundi nagpapakita rin ng kahinaan sa pagpapatupad ng mga flood control projects.
Dagdag pa ng mga gobernador, mahalagang isaalang-alang ang kaalaman ng LGUs sa kondisyon ng kani-kanilang lugar upang masiguro ang pinakamalaking epekto ng mga interbensyon ng pambansang pamahalaan.
Kaugnay nito, nanawagan din ang liga na paigtingin ang transparency at accountability upang masawata ang katiwalian sa pagpapatupad ng mga proyektong imprastruktura.
Isa sa mga lumagda sa panawagan ng LPP ay si Romblon Governor Trina Firmalo-Fabic at iba pang gobernador sa MIMAROPA.
Samantala, ngayong araw din, pinangunahan ni Pangulong Marcos Jr. ang panunumpa ng mga bagong halal na opisyal ng LPP sa isang seremonya sa Malacañang Palace. Pangunahing nanumpa si South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr., na muling nahalal bilang National President, kasama si Quirino Governor Dakila Carlo “Dax” Cua na muling nahalal bilang Chairperson, at iba pang mga gobernador mula sa iba’t ibang lalawigan.



































