Umabot sa mahigit ₱5.3 milyon ang iniulat na pinsala sa agrikultura, palaisdaan, at kabuhayan sa bayan ng Concepcion matapos ang pananalasa ng Bagyong Opong.
Batay sa datos ng Municipal Agriculture Office (MAO), pinakamalaking pinsala ang natamo ng mga pananim na saging na umabot sa ₱4,369,050, habang nasa ₱134,700 naman ang halaga ng nasirang gulay. Tinatayang ₱275,700 ang pinsala sa fisheries, ₱300,000 sa niyugan, at ₱151,400 sa manukan. Naitala rin ang ₱14,460 na pinsala sa mga punong namumunga at ₱100,380 sa root crops.
Ayon naman sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), umabot sa 235 pamilya o 572 indibidwal ang inilikas sa mga evacuation centers sa kasagsagan ng bagyo. Malalakas na ulan at hangin ang nagpabagsak ng mga poste ng kuryente, puno, at nagdulot ng pagbaha at pagkasira ng mga bahay at kalsada.
Sa panayam ng PIA Romblon, sinabi ni Mayor Nicon Fameronag na hiniling na niya sa Sangguniang Bayan ang deklarasyon ng state of calamity upang mapabilis ang rehabilitasyon at pagbibigay-tulong sa mga apektadong residente. Hinikayat din niya ang mga barangay disaster councils na maging handa sa mga posibleng bagyo sa mga susunod na buwan.
Kasabay nito, nakikipag-ugnayan ang LGU sa mga national agencies tulad ng DSWD, DOLE, at DTI para sa agarang paghatid ng tulong. Binigyang-diin ni Fameronag na sa mga nakaraang bagyo, nahirapan ang bayan dahil hindi agad nakarating ang relief goods at iba pang ayuda dulot ng masungit na karagatan.
Matatandaang tumama si Bagyong Opong noong Biyernes sa San Fernando at Alcantara, Romblon, habang ramdam ng Concepcion ang hagupit ng eyewall ng bagyo.
Discussion about this post