Ibinulgar ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan district engineer Henry Alcantara ang umano’y katiwalian sa mga flood control projects na kinasasangkutan ng ilang mambabatas, sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Martes, Setyembre 23, 2025.
Sa kanyang salaysay, pinangalanan ni Alcantara sina Sen. Joel Villanueva, Sen. Jinggoy Estrada, dating Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., at Ako Bicol Rep. Zaldy Co bilang mga umano’y nakinabang mula sa budget insertions at kickbacks.
Ibinunyag din niya na si dating DPWH Undersecretary Robert Bernardo ang nag-utos ukol sa paglalaan ng pondo, kabilang ang P300 milyon mula sa 2024 GAA na iniuugnay kay Revilla at P150 milyon na umano’y naugnay kay Villanueva.
Ayon pa kay Alcantara, isinuko niya ang P150 milyon sa isang rest house sa Bulacan sa isang tauhan na iniuugnay kay Villanueva, habang para kay Estrada, tinukoy umano ni Bernardo na may P355 milyon na nakalaan para rito.
Idinawit din si Rep. Zaldy Co matapos umano nilang pag-usapan ang planong paglalagay ng pondo para sa flood control projects sa distrito ni Alcantara noong 2021.



































