Isinagawa ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Romblon ang programang “Lawyers to the Benepisyaryo” na naglalayong maghatid ng libreng tulong legal at karagdagang suporta sa mga magsasaka, partikular sa mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) ng bayan ng San Fernando, Sibuyan.
Kabilang sa serbisyong ibinigay ang libreng legal assistance at mediation para maresolba ang mga agarang usapin gaya ng alitan sa hangganan ng lupa sa Barangay Taclobo. Sa pamamagitan nito, natulungan ang mga magsasaka na mapangalagaan ang kanilang karapatan sa lupa at maiwasan ang magastos na paglilitis sa korte.
Namahagi rin ang DAR ng organic fertilizers at transistor radios upang mapahusay ang produksyon sa bukid at matiyak ang mas mabilis na pag-access ng mga magsasaka sa mahahalagang impormasyon.
Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer II Claro Pacquing, mahalaga ang nasabing inisyatiba dahil hindi lamang nito pinapalakas ang kabuhayan ng mga magsasaka kundi pati na rin ang pagkakaisa ng mga komunidad.
Ipinakita ng aktibidad ang patuloy na pangako ng DAR na hindi lamang magpamahagi ng lupa kundi tiyakin ding may access ang mga ARBs sa serbisyong legal, input para sa agrikultura, at tamang impormasyon.