Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na sumadsad ang MV Solid Harmony, isang cargo vessel mula Port of Davao patungong North Harbor, Manila, sa karagatang sakop ng Barangay Cabolutan, San Agustin, bandang 7:14 ng gabi noong Setyembre 26, 2025.
Ayon sa ulat ng Coast Guard Station Romblon, pansamantalang nagkubli ang barko sa Carmen Bay dahil sa masamang panahon. Ngunit dahil sa malalakas na hangin at malalaking alon, nag-drag ang mga angkla nito na naging sanhi ng pagkasadsad.
Agad na rumesponde ang Coast Guard Sub-Station San Agustin katuwang ang Marine Environmental Protection Response Unit (MEPERU) Romblon matapos matanggap ang distress call at nakapagpatatag ng radio communication sa barko.
Kinumpirma ng kapitan ng barko na ligtas at nasa maayos na kondisyon ang lahat ng tripulante. Wala ring naitalang oil spill o internal damage sa MV Solid Harmony.
Pinayuhan ang kapitan na manatiling nakikipag-ugnayan sa PCG upang agad na maipabatid ang anumang pagbabago sa sitwasyon.
Patuloy namang binabantayan ng PCG ang lugar habang hinihintay ang tugboat na tutulong sa ligtas na pagpapalayag muli ng naturang barko.



































