Iniulat ng Department of Health – Center for Health Development (DOH-CHD) MIMAROPA na umabot sa 25 ang bagong kaso ng HIV/AIDS sa lalawigan ng Romblon mula Enero hanggang Hunyo 2025. Dahil dito, umakyat na sa 183 ang kabuuang kaso sa probinsya mula pa noong unang naitala ang mga insidente noong 2007.
Batay sa datos, pinakamaraming kaso ay nagmula sa age group na 25–34 taong gulang na may kabuuang 94 kaso, kasunod ang 15–24 taong gulang na may 51 kaso. Mayroon ding 31 kaso sa edad 35–49, pitong kaso sa edad 50 pataas, at 11 kaso sa mas mababa sa 15 taong gulang.
Sa mode of transmission, lumalabas na pinakamataas ang kaso sa mga kalalakihang nakikipagtalik sa kapwa lalaki, na umabot sa 101 kaso. Sinundan ito ng mga lalaking nakikipagtalik sa parehong lalaki at babae (53 kaso), male-female sex (26 kaso), at tatlong kaso na nananatiling hindi tukoy ang pinagmulan ng impeksyon.
Sa rehiyon ng MIMAROPA, naitala naman ang kabuuang 2,706 kaso ng HIV/AIDS mula 1988 hanggang Hunyo 2025, kabilang ang 284 bagong kaso ngayong unang kalahati ng taon.
Nagbabala ang DOH na nananatiling seryoso ang sitwasyon, lalo na’t karamihan sa mga bagong kaso ay kabilang sa mga kabataang nasa kasibulan ng kanilang produktibong edad.
Kaugnay nito, nananawagan ang Red Shelter Treatment Hub ng Romblon Provincial Hospital at ang DOH-CHD MIMAROPA sa publiko na magpa-test at magpakonsulta upang masigurong maagapan ang pagkalat ng sakit.
Patuloy ding ipinatutupad ang mga kampanya para sa mas ligtas na pakikipagtalik at mas malawak na access sa treatment at counseling services sa mga apektado.
Discussion about this post