Pormal na nagkasundo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) MIMAROPA at ang Romblon Diocesan Social Action Center (RDSAC) ng Roman Catholic Diocese of Romblon sa pamamagitan ng isang usufruct agreement na na magtulungan sa paghahanda at pagtugon sa mga sakuna sa probinsya.
Sa ilalim ng kasunduan na nilagdaan noong Agosto 13, 2025 sa DSWD MIMAROPA Regional Office sa Malate, Maynila, ipinagkaloob sa DSWD MIMAROPA ang paggamit ng 300-square-meter na pasilidad sa unang palapag ng RDSAC Building sa Barangay 1, Romblon, Romblon.
Gagamitin ito bilang warehouse para sa mga naka-preposition na relief goods na agad maipapadala sa oras ng kalamidad.
Pinirmahan ang kasunduan nina Rev. Fr. Ricardo Magro III, Director ng RDSAC, at DSWD MIMAROPA Regional Director Leonardo Reynoso Jr.
Mananatili sa RDSAC ang pagmamay-ari ng gusali habang eksklusibong gagamitin ng DSWD ang nasabing espasyo bilang imbakan. Pananagutan ng simbahan ang pagpapanatili ng imprastruktura, utilities, at common areas, habang responsable naman ang DSWD sa kalinisan at kaayusan ng warehouse.
Pinapayagan din ang DSWD na magtayo o magdagdag ng pasilidad sa lugar, kasabay ng koordinasyon sa RDSAC at pagsunod sa lokal at pambansang regulasyon.
Binigyang-diin ng dalawang panig na ang kasunduang ito ay patunay ng kanilang iisang layunin na palakasin ang kahandaan sa sakuna at tiyakin ang agarang pag-abot ng tulong sa mga apektadong komunidad sa Romblon at karatig-lugar.



































