Tatlong magkakasunod na lindol ang tumama sa lalawigan ng Romblon nitong Linggo, Agosto 17, ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Unang naitala ang lindol bandang 4:14 ng madaling araw sa Odiongan, Romblon, na may lakas na Magnitude 2.5. Naramdaman ito sa Intensity III sa bayan kung saan ang pagyanig ay mararamdaman sa loob ng bahay, partikular sa itaas na palapag ng mga gusali, at para bang may dumadaan na maliit na trak.
Nasundan ito ng isa pang lindol bandang 6:34 ng umaga na tumama sa timog-kanluran ng Santa Maria, Romblon, na may Magnitude 2.2.
Pinakamalakas ang lindol na naitala bandang 9:27 ng umaga sa paligid ng Sibale Island, Romblon, na umabot sa Magnitude 3.9. Naitala ang Intensity IV sa bayan ng Concepcion, kung saan malinaw na naramdaman ang pagyanig sa loob ng bahay at maaaring magising ang mga natutulog. Samantala, Intensity II naman ang naramdaman sa Pinamalayan, Oriental Mindoro. Ramdam din ang lindol sa ilang bahagi ng Odiongan at San Agustin, Romblon
Ayon sa Phivolcs, tectonic ang pinagmulan ng tatlong pagyanig.
Wala namang inaasahang pinsala o aftershocks na dulot ng magkakasunod na lindol.



































