Epektibo na ang price freeze o pagpigil sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bayan ng Concepcion, kasunod ng deklarasyon ng State of Calamity ng Sangguniang Bayan sa pamamagitan ng Resolution No. 2025-73.
Sakop ng price freeze ang mga produktong gaya ng canned fish at iba pang produktong dagat, evaporated, condensed, at powdered milk, kape, sabong panlaba, kandila, tinapay (tasty at pandesal), iodized salt, instant noodles, at bottled water, na pawang nasa ilalim ng hurisdiksyon ng Department of Trade and Industry (DTI).
Nagbabala ang DTI na ang sinumang lalabag ay maaaring maharap sa parusang pagkakakulong ng isa hanggang 10 taon, o multang mula ₱5,000 hanggang ₱1 milyon, o pareho, batay sa pasya ng korte. Bukod pa rito, maaari rin silang patawan ng kaukulang administratibong parusa.
Ayon sa DTI MIMAROPA, magsasagawa sila ng mas pinaigting na price and supply monitoring sa mga tindahan sa Concepcion upang matiyak ang pagsunod sa kautusang ito at maprotektahan ang mga mamimili sa gitna ng krisis dulot ng pagkaka-isolate ng isla dahil sa masamang panahon.
Ang hakbang ay bahagi ng pagtugon ng gobyerno upang maiwasan ang pananamantala sa presyo ng mga bilihin.



































