Tuloy-tuloy ang kampanya ng Department of Information and Communications Technology (DICT) para masigurong konektado sa digital space ang lahat ng mga Romblomanon.
Sa pagbubukas ng MIMAROPA ICT Roadshow 2025, sinabi ni DICT MIMAROPA Regional Director Emmy Lou Delfin na bagama’t kakaunti ang kanilang mga personnel sa Romblon, hindi tumitigil ang ahensya sa pagpapatupad ng kanilang mga mandato para mapalawak ang access ng mga mamamayan sa teknolohiya.
Ayon kay Delfin, lahat ng bayan sa lalawigan ay konektado na sa internet sa pamamagitan ng mga Free Wifi sites na inilatag ng DICT. Sa kabuuan, mayroon nang 50 lokasyon na may 142 aktibong Wifi Hotspots. Kabilang dito ang mga paaralan, ospital, barangay hall, at iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan.
Ibinahagi rin niya na nakapamahagi ang DICT ng ICT equipment sa mga island municipalities tulad ng San Jose, Banton, at Corcuera, upang masiguro na maging ang mga isla ay may access sa internet.
Kasabay nito, nagpapatuloy din ang kanilang digital literacy training para sa iba’t ibang sektor sa Romblon. Sa 20 training sessions na naisagawa ngayong taon, umabot na sa 10,045 Romblomanon ang nakinabang. Kabilang sa mga itinuro ang programming, mobile photography, graphic designing, at iba pang kasanayang on-demand sa mga online jobs.
Dagdag pa ni Delfin, mayroon ding mga lugar sa Romblon na mayroong Tech4Ed Centers at Digital Transformation Center na maaaring puntahan ng mga residente kung kinakailangan nilang mag-access ng digital resources.
Samantala, masaya ring ibinalita ni Delfin na 13 na lokal na pamahalaan sa Romblon ang gumagamit na ng eLGU system—isang digital platform ng DICT na nagbibigay-daan para maisagawa online ang mga transaksyon sa lokal na pamahalaan, gaya ng pagkuha ng business permits, clearances, at iba pang dokumento.
Ang pahayag ni Delfin ay bahagi ng MIMAROPA ICT Roadshow 2025 na opisyal na inilunsad sa Romblon Province bilang unang leg ng regional rollout. Idinaos ito sa Romblon State University noong Agosto 22 at layong dalhin ang mga ICT programs at serbisyo ng DICT nang mas malapit sa mga mamamayan. Naging plataporma rin ito upang ipagdiwang ang mga milestone, ibahagi ang mga kuwento ng digital transformation, at kilalanin ang mga partner at stakeholders na nagsusulong ng digital inclusion sa lalawigan.
Sa naturang programa, nagpahayag ng kanilang suporta at pangako ang mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan, national agencies, academe, at pribadong sektor na magtutulungan para isulong ang digital agenda sa Romblon at buong MIMAROPA Region.



































