Pormal nang inaprubahan ng Sangguniang Bayan ng Romblon ang isang ordinansang naglalayong itaguyod ang makabuluhang pamamahala sa pamamagitan ng pagbabawal sa tinaguriang “epal” na paglalagay ng pangalan o larawan ng mga opisyal sa mga proyektong pinondohan ng pamahalaang bayan.
Ang ordinansang pinamagatang Anti-Epal Ordinance of Romblon ay iniakda ni Konsehal Lyndon Molino at nakatanggap ng mayoryang suporta mula sa mga miyembro ng konseho.
Layunin ng panukala na pigilan ang sinumang opisyal ng munisipyo, halal man o itinalaga, na ilagay ang kanilang pangalan, inisyal, lagda, personal na logo, o larawan sa anumang proyekto, kagamitan, programa, o pag-aari na pinondohan o isinagawa sa ilalim ng pondo ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Molino, ang hakbang na ito ay bahagi ng pagsusulong ng good governance at pagpapanatili ng integridad sa paggamit ng pondo ng bayan.
Sinabi ni Molino na ang ordinansa ay naka-angkla rin sa Good Governance Code na ipinatutupad sa antas panlalawigan sa ilalim ni Governor Trina Firmalo-Fabic.



































