Humiling ng deklarasyon ng State of Calamity ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ng bayan ng Concepcion, Sibale Island, sa Sangguniang Bayan matapos ang halos isang linggong pagkaantala ng biyahe dulot ng malalakas na alon na nagdulot ng kakulangan sa suplay ng pagkain at gasolina.
Ayon kay Mayor Nicon Fameronag, mayroon na lamang halos 1,500 kilo ng bigas na natitira sa mga pribadong tindahan sa isla na tinatayang sasapat lamang hanggang dalawang araw.
“Bigas talaga ang kailangan namin dahil ang supply nalang [sa mga private sector] ay up to two days. Ngayon yan hanggang bukas nalang,” pahayag ng alkalde sa panayam ng Romblon News Network.
Maging ang suplay ng gasolina sa isla ay paubos na rin.
Dahil dito, humiling ang lokal na pamahalaan sa Department of Social Welfare and Development ng pahintulot upang maipamahagi na ang mga prepositioned relief goods na nasa isla para sa mga residenteng apektado.
Isinara rin ang mga biyahe ng pampasaherong bangka at hindi rin makalaot ang mga mangingisda dahil sa malalakas na alon na dala ng Habagat.
Nanawagan si Mayor Fameronag sa mga residente na huwag mag-hoarding ng bigas o magtaas ng presyo, upang hindi masamantala ang sitwasyon.
Hiling rin ng alkalde sa national government na magpadala ng tulong gamit ang Philippine Coast Guard, partikular na ang suplay ng bigas.
“Sa coast guard, magpadala [kayo] ng isang barko ng bigas,” dagdag niya.
Hinimok din ng alkalde ang pamahalaan na dagdagan ang prepositioned goods tuwing Habagat season, upang may sapat na reserba sakaling muling maantala ang mga biyahe patungong isla.



































