Isang makabuluhang hakbang ang isinusulong ngayon ni Governor Trina Firmalo-Fabic ng Romblon—isang serye ng inisyatibang tila ihip ng bagong hangin sa lokal na pamahalaan: random drug testing sa mga empleyado ng kapitolyo, pagbabawal sa paglalagay ng mukha ng politiko sa mga tarpulin at signboard ng mga proyekto, at istriktong pagpapatupad ng Anti-Graft and Corruption Act.
Sa isang bansang sanay sa sistemang personalidad at padrino, ang ganitong mga hakbang ay hindi lamang bago—ito ay radikal. Para sa karaniwang Romblomanon, malinaw ang mensahe: ang pamahalaan ay para sa serbisyo, hindi para sa pagpapasikat.
Una, ang random drug testing sa mga kawani ng kapitolyo ay isang seryosong pahayag na ang gobyerno mismo ay dapat maging ehemplo ng disiplina at kalinisan. Kung ang layunin ay paglilingkod, hindi ba’t nararapat lang na ang mga nasa loob ng sistema ay walang bahid ng bisyo? Ito ay hakbang tungo sa propesyonalismo at tiwala ng publiko.
Ikalawa, ang pagbabawal ng mukha ng politiko sa mga proyekto ay tila simpleng reporma lamang, ngunit ito ay may malalim na epekto. Matagal nang kalakaran sa Pilipinas ang paggamit ng proyekto ng pamahalaan bilang personal na advertisement ng mga pulitiko. Sa hakbang na ito, malinaw ang pahiwatig: ang serbisyo ay hindi dapat ginagamit bilang kasangkapan sa susunod na halalan.
Pangatlo, ang mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa katiwalian ay isang malinaw na paninindigan laban sa korupsyon, na siyang matagal nang kinakalaban ng mamamayan. Ngunit gaya ng inaasahan, hindi lahat ay matutuwa. Lalong-lalo na ang mga pulitikong nasanay sa lumang gawi—iyong mga umaasa sa nakatagong porsyento, kickback, o proyektong may kapalit.
Ang ganitong mga reporma ay tiyak na makakakuha ng suporta ng karamihan sa mga Romblomanon—lalo na iyong mga sawang-sawa na sa bulok na sistema. Ngunit habang dumarami ang sumusuporta, asahan din na may mga magsisimulang “umiyak” o magreklamo—malamang lalo na ang mga pulitikong mapipigilan na sa kanilang dating kalakaran. Sila ang posibleng bumatikos, magsabing “hindi ito makatao,” o “selective” ang implementasyon. Ngunit sa katotohanan, sila lamang ang pinakanaaapektuhan dahil unti-unti nang natatanggal ang kanilang mga pribilehiyong hindi dapat sa simula pa lang.
Kung ang pamumuno ay hindi takot mawalan ng boto, kundi determinadong gumawa ng tama, iyon ang uri ng liderato na kailangan sa mga lalawigan ngayon. Ang Romblon, sa pamumuno ni Gov. Trina Firmalo-Fabic, ay nagpapakita na puwedeng magsimula ang tunay na pagbabago sa lokal na antas.
Panahon na para ang pamahalaan ay tunay na magsilbi—hindi magpasikat.