Kamakailan lang, muling nag-ingay ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC)—pero sa paraang medyo nakakalito. Una, sila mismo ang nagsumite ng petisyon para pansamantalang palayain si Duterte habang nililitis ang kaso niya sa The Hague. Pero ngayon, sila rin ang nakiusap sa ICC na huwag muna aksyunan ang nasabing petisyon.
Teka lang ha, hindi ba't may kalituhan dito? Nagpetisyon ka para sa pansamantalang paglaya, tapos bigla mong sasabihing wag munang desisyunan? Aba, parang humihiling ka ng ulan, tapos magagalit ka kapag umulan.
Kung susuriin, mukhang may kinalaman ito sa mga bagong kaganapan sa Senado. Nitong mga nakaraang linggo, sunod-sunod ang mga isinusumiteng resolusyon ng mga kaalyado ni Duterte. Una, si Sen. Robinhood Padilla, na noong Hunyo 24 ay nanawagang agad siyang ibalik sa Pilipinas mula The Hague. Sumunod naman si Sen. Alan Peter Cayetano noong Hulyo 10, na nagmungkahi ng house arrest sa loob ng Philippine Embassy sa Netherlands, habang hinihintay ang resulta ng kaso.
At ngayon, si Rep. Rodante Marcoleta ay maghahain umano ng dalawang resolusyon—una, para ideklarang unconstitutional ang pag-aresto at pagkulong kay Duterte, at ikalawa, upang agad siyang palayain.
Dito na pumapasok ang tanong: may hindi ba sila mapagkasunduan sa estratehiya? Kung ang paniniwala talaga ng kampo ni Duterte at ng mga kaalyado niya ay labag sa konstitusyon ang pagkaka-aresto sa kanya, bakit sila nagpetisyon para sa pansamantalang paglaya sa ilalim ng proseso ng ICC? Hindi ba’t parang kinikilala nila sa ganitong galaw na lehitimo ang kapangyarihan ng ICC?
Kung tunay ang posisyon nilang ilegal ang pagkulong kay Duterte, dapat sa simula pa lang ay tinutulan na nila ang buong proseso, hindi lamang ang lugar ng pagkakakulong. Dapat iyon ang naging sentro ng kanilang legal na argumento—hindi ang pansamantalang paglaya, kundi ang kabuuang pagbabasura ng kaso.
Ang ganitong pagkakasalungat ng mga kilos ay maaaring nagbubunyag ng pagkakawatak-watak sa estratehiya ng kampo ni Duterte. Maaaring gusto nilang samantalahin ang simpatya ng ilang sektor, habang pilit na inilalapit sa legalidad ang isang mapolitikang laban. Ang mga ito ay opinyon at sapantaha lang naman!
Ngayon naman, maraming legal experts ang nagsasabing walang bisa ang resolusyon ng Senado kaugnay sa kaso ni dating Pangulong Duterte sa ICC. Bakit? Simple lang—wala namang hurisdiksyon ang Senado ng Pilipinas sa International Criminal Court.
Ibig sabihin, kahit pa maglabas sila ng resolusyon na humihiling o nag-uutos na palayain si Duterte, hindi obligado ang ICC na sumunod. Ang mga resolusyon ng Senado ay pahayag lamang ng posisyon o sentimyento, at hindi ito may legal na bisa sa mga internasyonal na korte.
Kaya ayon sa mga eksperto, wala rin itong saysay sa usaping legal. Kung tutuusin, parang pampulitika lang ang dating ng mga resolusyong ito—maingay, pero walang konkretong epekto sa aktwal na proseso ng ICC.


































