Ayon sa ulat ng Romblon Police Provincial Office, nasagip ng ilang mangingisdang napadaan sa lugar ang mga sakay ng naturang bangka, kabilang ang kapitan na kinilala sa pangalang alyas “Biyong.”
Batay sa imbestigasyon, umalis ang bangka mula Barangay Calabasahan sa Sibale patungong Bansud, Oriental Mindoro kaninang alas-5 ng umaga. Ngunit habang nasa gitna ng biyahe ay inabutan ito ng malalakas na alon na nagdulot ng pagkasira at pagkabutas ng bangka, dahilan upang ito ay lumubog.
Nilinaw ng pulisya na lumubog ang bangka at hindi tumaob gaya ng unang naiulat.
Hindi umano dumaan sa kaukulang awtoridad ang paglalayag ng nasabing bangka, ayon sa paunang imbestigasyon ng Concepcion Municipal Police Station.
Dinala na pabalik sa Barangay Calabasahan ang mga nailigtas na pasahero kung saan agad silang nabigyan ng tulong at pansamantalang kalinga ng lokal na pamahalaan.
Nagpaalala naman si Police Lt. Peter Rios sa publiko na huwag pumalaot nang walang pahintulot mula sa otoridad, lalo na’t nananatiling masama ang panahon at malalakas ang alon sa karagatan ng isla.



































