Isinagawa ng Provincial Health Office (PHO) at Provincial DOH Office (PDOHO) ang PuroKalusugan Rollout Trainings sa iba’t ibang bayan sa Romblon ngayong Hulyo 2025.
Layunin ng pagsasanay na bigyang-kaalaman at palakasin ang kakayahan ng mga barangay at purok health workers, volunteers, at mga lokal na lider para maipatupad ang programang PuroKalusugan sa kanilang mga komunidad.
Ang PuroKalusugan ay isang community-based health program na naglalayong maghatid ng mas malapit at organisadong serbisyong pangkalusugan sa antas ng purok o pinakamaliit na yunit ng komunidad. Sa pamamagitan nito, mas madaling maabot ang mga pamilyang nasa malalayong lugar at matutukan ang kanilang mga pangunahing pangangailangang pangkalusugan.
Tinalakay sa training ang mga paksa tulad ng kalusugan ng ina at bata, kalinisan sa kapaligiran, pag-iwas sa sakit, at maagang pagtuklas ng karaniwang sakit.
Ipinresenta rin ang papel ng purok system para sa pag-monitor ng priority health outcomes indicators na bahagi ng Universal Health Care (UHC) upang matiyak ang access sa serbisyong pangkalusugan sa mga malalayong lugar o GIDA (Geographically Isolated and Disadvantaged Areas).
Ayon sa PHO, layon ng training na masiguro na ang bawat pamilya, kabilang ang mga nasa malalayong lugar, ay may makakaalalay sa kalusugan sa antas ng kanilang purok.



































