Magpapadala ng tulong ang Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon sa mga residente ng Sibale Island sa bayan ng Concepcion, kasunod ng pagdedeklara ng state of calamity dahil sa kakulangan ng suplay ng pagkain at krudo sa isla.
Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Joseph Menorca, iniutos ni Governor Trina Firmalo-Fabic na agad na maghatid ng ayuda para sa mga apektadong pamilya.
Bukas, July 31, ay lalayag ang sasakyang pandagat ng PDRRMO mula sa bayan ng Romblon patungong Sibale dala ang 30 sako ng bigas at mga kahon ng sardinas. Ayon kay Mallorca, ang tulong ay pangunahing para sa mga residente na hindi makapangisda dahil sa patuloy na masamang panahon at mataas na alon.
Bahagi umano ito ng mabilis na pagtugon sa krisis sa suplay sa Sibale Island, na ilang araw nang hindi nadadaanan ng mga karaniwang ruta ng transportasyon sa dagat.
Samantala, nananatiling nakaalerto ang mga disaster response units ng lalawigan upang tumugon sa iba pang pangangailangan ng mga apektadong residente sa gitna ng matagal nang epekto ng habagat sa isla.



































