Bilang bahagi ng kampanya kontra child labor, namahagi ang Department of Labor and Employment (DOLE) Romblon ng livelihood assistance sa 34 benepisyaryo mula sa bayan ng Concepcion, kung saan ang lahat ay mga magulang ng mga child laborer.
Sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP), 16 na bangkang de motor ang ipinagkaloob sa mga pamilyang mangingisda upang palakasin ang kanilang kabuhayan.
Ayon kay Francis John Mondia, Public Information Officer ng DOLE Romblon, umaabot sa ₱638,000 ang halaga ng mga bangkang ipinamahagi.
Kabuuang ₱1.15 milyon ang inilaan ng ahensya para sa proyekto sa Concepcion, kabilang na ang mga karagdagang livelihood kits tulad ng tools for carpentry, negokart, food vending, sewing business, kakanin business, at fishing engine.
Ayon kay Concepcion Mayor Nicon Fameronag, ang proyekto ng DOLE ay isang malaking hakbang tungo sa mas matatag na hanapbuhay at mas maliwanag na kinabukasan para sa mga pamilyang benepisyaryo sa kanilang bayan.
Pangunahing ikinabubuhay ng mga residente sa Concepcion ang pangingisda, kaya't malaking tulong umano ang pagkakaloob ng mga bagong bangka at kagamitan upang mapalakas pa ang kita ng mga pamilyang umaasa sa dagat.
Layunin ng programang ito na mabigyan ng alternatibong pagkakakitaan ang mga magulang upang matigil ang paglahok ng kanilang mga anak sa mapanganib na uri ng trabaho at maibalik ang mga ito sa paaralan.



































