Sa State of the Nation Address (SONA) nitong Hulyo 28, 2025, mariing pinuna ni Pangulo Bongbong Marcos ang mga palpak at maaaring kathang-isip na flood control projects ng DPWH: ilan sa mga ito umano ay gumuho, at ang iba’y “guni-guni lamang.” Inutusan niya ang agarang paghain ng kumpletong listahan ng lahat ng flood control projects sa nakalipas na tatlong taon, at ang pagsasailalim sa mga ito sa impartial audit, pagtatala ng mga palpak, di natapos o ghost projects, kasabay ng pananalitang may legal na pananagutan ang mga sangkot sa katiwalian.
Malaking Badyet, Maliit ang Resulta
Batay sa datos ng DPWH, mula 2011 hanggang 2025, nakalaan ang humigit-kumulang ₱1.47 trilyon para sa flood control at mitigation programs. Sa taong 2025 lamang, may tinatayang ₱1.007 trilyon na budget para rito, kung saan nasa ₱254.29 bilyon ang nakalaan sa flood management program—lampas na sa badyet ng ibang pangunahing ahensya tulad ng Department of Health at Department of Agriculture.
Si Senador Panfilo Lacson naman nagpahayag noong Hulyo 2025 na maaaring ₱1 trilyon mula sa halos ₱2 trilyong pondo para sa flood control ay napunta sa corruption. Ano'ng nangyari sa nalalabing bilyon?
Si Senate President Chiz Escudero ay nagtanong din: “Anong nangyari sa daan‑bilyon na flood control projects ng DPWH, MMDA at mga lokal na pamahalaan?” Ipinahayag niya na ang ₱255 bilyong badyet para sa flood control noong 2024 ay mas malaki pa kaysa sa ibang sektor tulad ng defense at kalusugan.
Ayon kay Baguio City Mayor Magalong, sa kanyang panayam sa OneNews nitong 30 Jul 2025, nasa 35-40% umano ang kickbacks na nakukuha sa mga proyekto ng gobyerno dahil sa sabwatan ng mga politiko at opisyuales ng DPWH. Ayon pa sa kanya, nagsisimula ang korapsyon sa pagsunod ng mga kongresista sa pagpili ng district engineers ng DPWH—hindi ng Public Works Secretary. Dagdag pa niya, may sistemang collusion sa pagitan ng makapangyarihang politiko, contractor, at bidding agency. Aniya, nangingibabaw ang mga flood control projects, katapakip sa rock netting, asphalt overlay, road widening, cat’s eyes, at solar lights dahil sa laki ng posibilidad na ma-overprice at makapag-apply ng kickback scheme.
Kaya naalala nyo, maraming taon na rin ang lumipas, di ba naglabasan din ang mga ‘cat-eye’ projects sa mga kalsada palibot sa Tablas, at kapansin-pansin na masinsin ang interval ng pagkakalagay ng mga ito. Hmmm, bakit kaya?
Sa lalawigan ng Romblon, ay meron ding ganitong projects. Noong Pebrero 2022, natapos ang Panique Flood Control Structure sa Odiongan na nagkakahalaga ng ₱26.69 milyon. Kasama rito ang bagong tulay na ₱11.76 milyon (David Bridge).
Noong Nobyembre 2023, natapos ang ₱19.5 milyon seawall sa Barangay Calabasahan, Concepcion, Romblon (228 metro, 4 m taas).
Maliban sa nabanggit, meron pang ibang katulad na proyekto na nasa bayan ng Odiongan tulad ng mga seawalls, na ayon nga sa mamamayan ay mas nagdulot ng baha sa bayan. Oo nga naman, ba’t nga ba kelangang lagyan ng seawall dyan sa Poctoy papunta sa tabing-dagat ng barangay Ligaya? Ano ba ang objectives ng project na ito? Ano ba ang problema na sinusolusyunan? Wala naman akong nakikita! Kaya sana nga, ituloy-tuloy na ng ang pag-iimbestiga sa mga proyektong ito, para magkaalaman!


































