Nagpaabot ng pasasalamat si Mayor Greggy Ramos ng Cajidiocan, Romblon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagkakaloob ng bagong patient transport vehicle (PTV) na makatutulong sa pagpapalakas ng serbisyong medikal ng kanyang bayan.
Ayon kay Mayor Ramos, malaking bagay ang donasyong patient transport vehicle, lalo na para sa kanilang bayan na malayo sa mga ospital. Aniya, malaking ambag ito para mapatatag ang serbisyo medikal at matiyak ang mas mabilis na paghatid ng mga pasyente mula sa mga liblib na barangay patungo sa mga ospital at health facilities.
“Malaking bagay po ito sapagkat sa tulad ng bayan ko na malayo sa ibang hospitals, ay malaki po ang magiging ambag nito para patatagin pa po ang serbisyo medical sa aking bayan,” ayon sa pahayag ni Mayor Ramos sa inilabas na video message ng Malacañang.
Ang pamamahagi ng mga PTV ay ginanap sa Quirino Grandstand kung saan pinangunahan ni Pangulong Marcos ang ceremonial turnover ng kabuuang 387 bagong unit para sa mga lungsod at bayan sa Luzon.
Layon ng programa na mabigyan ng ambulansya ang lahat ng 149 lungsod at 1,493 munisipalidad sa buong bansa bago matapos ang taon. Sa kabuuan, mula Hulyo 2022 hanggang Hunyo 2025, nasa 680 ambulansya na ang naipamahagi ng administrasyong Marcos sa tulong ng PCSO.



































