Isinailalim na sa state of calamity ang bayan ng Concepcion sa Sibale Island, Romblon nitong Martes, Hulyo 29, kasunod ng rekomendasyon ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) bunsod ng matinding pagkaantala sa suplay ng pagkain at krudo sa isla.
Ipinatupad ang deklarasyon matapos ang mahigit isang linggong pagkansela ng mga biyahe sa dagat dulot ng malalakas na alon, na nagdulot ng pagkakahiwalay ng isla sa mga regular na ruta ng suplay.
Ayon kay Mayor Nicon Fameronag, tanging isang maliit na bangkang de-motor lamang ang regular na bumibiyahe mula Sibale patungong Pinamalayan, Oriental Mindoro, ngunit hindi ito nakalalayag nitong mga nakaraang araw dahil sa patuloy na masamang lagay ng panahon.
Iniulat ng alkalde na halos 1,500 kilo na lamang ng bigas ang natitira sa mga pribadong tindahan sa isla, na ayon sa kaniya ay tatagal lamang ng isa hanggang dalawang araw.
Bukod sa bigas, kritikal na rin ang suplay ng krudo sa isla.
Kaugnay nito, inaprubahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office MIMAROPA ang hiling ng lokal na pamahalaan na maglunsad ng Food-for-Work program, kung saan pinayagan silang ipamahagi ang prepositioned relief goods para sa mga apektadong residente.
Bandang Martes ng gabi, dalawang bangka mula Pinamalayan ang nakarating sa Sibale Island sa kabila ng malalakas na alon at dala nito ang bigas na pansamantalang ginhawa sa mga taga-isla.
Gayunman, nagbabala si Mayor Fameronag na maaaring abutin pa ng hanggang isang linggo bago tuluyang manumbalik sa normal ang suplay ng bigas at iba pang pangunahing bilihin sa isla.
Nanawagan din siya sa mga residente na huwag mag-imbak ng bigas o magsamantala sa sitwasyon sa pamamagitan ng labis na pagtataas ng presyo.



































