Wagi ang Romblon United FC bilang kampeon sa katatapos na 1st MJM Futsal Tournament na ginanap noong Mayo 31, 2025 sa Carmel 3 Subdivision Covered Court, Tandang Sora, Quezon City.
Nilahukan ng Romblon United FC ang prestihiyosong amateur tournament na dinaluhan ng mga top-tier futsal teams mula sa Metro Manila gaya ng WCC Shamreen, Marinos FC, SQC FC, BJMP NCR A at B, 203 FC, NEU FC, Hydrotech, at Dragon FC.
Sa kanilang mga laban, nagtapos sa 0–0 draw ang kanilang unang laro kontra Dragons FC ng Masbate. Sunod nilang tinalo ang BJMP Team B sa iskor na 3–0. Isa na namang draw ang naitala kontra 203 FC, 0–0, at matapos nito ay nilampaso nila ang SQC sa iskor na 3–0. Sa semifinals ay nanaig sila kontra Hydrotech, 1–0, at sa championship game ay tinalo nila ang WCC Shamreen sa iskor na 3–2 upang tuluyang masungkit ang kampeonato.
Ang Romblon United FC ay binubuo ng mga manlalaro mula sa iba’t ibang bayan ng probinsya ng Romblon kabilang sina Karl Ramos, Emmanuel Ramilo, Yangco, Jhong Magallon, Ronel Oyao, Jam Rey Mariveles, Karl Ash Festin, Jervince Manliquid, Yen Cloma at Jem Paul Eurolpan.
Bukod sa tropeo ng kampeonato, humakot din ng major individual awards ang koponan. Hinirang na Most Valuable Player (MVP) si Jam Rey Mariveles. Top Scorer of the Tournament si Ronel Oyao. Best Defender si Jhong Magallon at Best Goalkeeper naman si Yen Cloma.
Layunin ng Romblon United FC ang patuloy na paglinang sa talento ng mga kabataang manlalaro mula sa Romblon habang isinusulong ang pagkakaisa sa pamamagitan ng isports, partikular sa futsal.



































