Sa nakatakdang pagbabalik sa boxing ring ni Hall of Famer at 8-division world champion Manny Pacquiao laban sa kasalukuyang Mexican-American WBC Welterweight Champion na si Mario Barrios matapos ang halos apat na taon na pagkawala sa boxing, sa July 20, 2025 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, ilang Pinoy fighters ang napasama sa undercard ng main event na ito.
Isa rito ay si Mark “Magnifico” Magsayo na makakaharap ang Mexican fighter na si Jorge Mata Cuellar sa isang 10-round fight kung saan nakataya ang bakanteng WBC Continental Americas Super Featherweight Title. Dati nang nakasama si Magsayo sa undercard ng laban ni Pacquiao kontra Yordenis Ugas, kung saan nakalaban niya si Julio Ceja at napatulog ito sa ika-10 round. Naging kampeon na rin siya ng WBC Featherweight Title matapos talunin si Gary Russell. Sa kasalukuyan, ang 30-anyos na si Magsayo ay may rekord na 27 panalo, 2 talo, at 18 knockouts. Ang makakalaban niyang si 24-anyos na Jorge Mata Cuellar ay may kartadang 21 panalo, 2 talo, 2 tabla, at 13 knockouts.
Lalaban din sa undercard ng Pacquiao–Barrios fight ang former Olympian at Tokyo Olympics Bronze Medallist na si Eumir Marcial, 29 anyos, kung saan makakalaban niya sa isang 8-rounder non-title fight ang 30-anyos na si Alexis Gaytan ng Mexico. May malinis na rekord si Marcial na 5 panalo, walang talo, at 3 knockouts, samantalang si Gaytan ay may 17 panalo at 10 talo.
May ilan pang mga Pinoy na inaasahang lalaban bilang undercard sa Pacquiao–Barrios main event ngunit kasalukuyan pang inaayos ang mga detalye ng kanilang laban.
Samantala, ilan pa sa kumpirmadong laban sa Pacquiao–Barrios undercard ay sina Sebastian Fundora vs Tim Tszyu para sa 12-rounder, WBC at WBO Junior Middleweight titles ni Fundora; Isaac Cruz vs Angel Fierro, 12-rounder sa Junior Welterweight division; at Brandon Figueroa vs Joet Gonzales, 12-rounder sa Featherweight.




































