Matapos ang masusing imbestigasyon at paulit-ulit na pagsusuri sa video replay ng laban sa pagitan ng Mexican boxer na si Emmanuel Navarrete at ng Filipino fighter at dating Olympian na si Charly Suarez noong Mayo 11, 2025 para sa WBO Junior Lightweight Championship, nagpasya ang California State Athletic Commission (CSAC) na i-overturn ang naunang desisyon ng mga hurado. Ang dating panalo ni Navarrete via technical unanimous decision ay idineklara nang no contest, at agad na ipinag-utos ng CSAC sa World Boxing Organization (WBO) ang agarang rematch para sa titulo.
Sa nasabing laban, nagtala ang tatlong hurado ng mga score na 77–76, 78–75, at 77–76 pabor lahat kay Navarrete matapos ang ikawalong round. Itinigil ng referee na si Edward Collantes ang laban dahil sa pagdurugo ng kaliwang mata ni Navarrete, na una niyang idineklara na dulot umano ng isang accidental clash of heads. Subalit sa pagsusuri ng replay, malinaw na nakita na ang sugat ay sanhi ng isang solidong suntok mula kay Suarez, at walang banggaan ng ulo na naganap.
Bagaman hindi nakuha ni Suarez ang inaasam na panalo via technical knockout (TKO) na nararapat sana kung tama ang naging ruling ng referee, masaya na rin ang kanyang kampo sa naging aksyon ng CSAC. Dahil sa desisyong ito, mananatiling walang talo si Suarez sa kanyang professional boxing career na may kartadang 18 panalo, 0 talo, 1 no contest, at 10 knockout wins.
Si Charly Suarez ay matagal nang nagsilbi para sa Pilipinas bilang kinatawan sa iba’t ibang international competitions gaya ng Asian Games at Southeast Asian Games bago siya naging professional boxer. Parehong nasa ilalim ng promotional company ni Bob Arum ang dalawang boksingero, at si Arum rin ang promoter ng Top Rank Boxing na siyang nangangasiwa sa kanilang mga laban.
Ang inaabangang rematch ay tiyak na magdadala ng matinding interes mula sa boxing fans sa buong mundo.



































