Labindalawang (12) mangingisda mula sa mga bayan ng Pinamalayan at Gloria, Oriental Mindoro ang inaresto at pinagmulta matapos mahuling nangingisda sa bahagi ng karagatang sakop ng Sibale Island sa lalawigan ng Romblon nitong umaga ng Hunyo 18.
Ayon kay Mayor Nicon Fameronag ng bayan ng Concepcion, naaktuhan ang mga mangingisda habang nangingisda ng “liwit” malapit sa baybayin ng Barangay Masudsud.
Bagamat hindi itinuturing na ilegal ang panghuhuli ng “liwit”, iginiit ng alkalde na ang pangingisda ng ganito sa loob ng municipal waters ng Sibale ay tanging para lamang sa mga residente ng bayan.
Dagdag pa ni Mayor Fameronag, nilabag ng mga nasabing mangingisda ang probisyon ng Comprehensive Municipal Fishery Code ng Concepcion, na nagsasaad na ang karapatang mangisda sa loob ng municipal waters ay nakalaan lamang sa mga residente ng nasabing munisipalidad.
Pinagmulta ng ₱2,500 bawat isa ang mga mangingisdang naaktuhan at agad ding pinayagang makauwi matapos ang insidente.
Napag-alamang ito na ang ikalawang beses na naaktuhan ang grupo sa parehong aktibidad; noong una ay binigyan lamang sila ng babala.
Ayon sa alkalde, kung mauulit pa ang insidente ay posible nang patawan sila ng mas mabigat na parusa gaya ng pagkakakulong at kumpiskasyon ng kanilang mga bangka.



































