Matapos ang kanyang pagkatalo sa katatapos lamang na midterm elections kung saan muli siyang tumakbo bilang senador, mas lalong lumakas ang bulung-bulungan tungkol sa pagbabalik sa boxing ng 8-Division World Champion Manny Pacquiao.
Ang haka-haka ay kinumpirma mismo ng World Boxing Council (WBC) President Mauricio Sulaiman, na nagsabing tuloy na ang pagbabalik-laban ni Pacquiao sa Hulyo 2025, laban sa kasalukuyang WBC Welterweight Champion Mario Barrios.
Ayon kay Sulaiman sa isang panayam, si Pacquiao ay matagal na naging mahalagang bahagi ng WBC—mula flyweight hanggang super welterweight—at dahil dito, nararapat lamang umano na bigyan siya ng isa pang world title fight bilang pagkilala bago ito tuluyang magretiro.
Huling lumaban si Pacquiao noong 2021 laban sa Cuban fighter na si Yordenis Ugas, kung saan siya ay natalo via unanimous decision. Bagaman maraming naniniwalang iyon na ang kanyang huling laban, hindi kailanman naglabas ng opisyal na pahayag si Pacquiao ukol sa kanyang pagreretiro. Sa kasalukuyan, si Pacquiao, 46 taong gulang, ay may record na 62 wins, 8 losses, 2 draws.
Sa kabilang banda, si Mario Barrios, 29 taong gulang, ang kasalukuyang interim WBC Welterweight Champion. Nakuha niya ang titulo matapos talunin ang taong huling tumalo kay Pacquiao—si Yordenis Ugas noong 2023. Sinundan pa ito ng panalo laban kay Fabian Maidana noong May 2024. Huling lumaban si Barrios noong Nobyembre 15, 2024 laban kay Abel Ramos, kung saan nagtapos ang laban sa isang draw. Hawak niya ngayon ang record na 29 wins, 2 losses, 1 draw.
Hindi ito ang unang pagkakataon na ginagawa ng WBC ang ganitong hakbang. Sa nakaraan, pinayagan din nila ang pagbabalik ni Sugar Ray Leonard mula sa mahabang pahinga upang labanan si Marvin Hagler, na kanyang tinalo—bilang paraan ng pagbibigay ng pagkakataong makapagretiro bilang kampeon. Pareho ang layunin ngayon para kay Pacquiao: ang makagawa muli ng kasaysayan bago ang inaasahang opisyal na pamamaalam sa ring.
Hindi naging iisa ang pananaw ng boxing world ukol sa balitang pagbabalik ni Pacquiao. May mga tagahanga at dating boksingero na natuwa at nagbigay suporta, habang ang ilan, kabilang na ang mga trainers at retired fighters, ay nagbigay ng pag-aalala, lalo na’t may edad na si Pacquiao at posibleng mapahamak sa laban sa mas batang kampeon.



































