Muling matutunghayan ng mga tennis fans ang isa sa pinaka-inaabangang torneo sa mundo—ang French Open o Roland Garros 2025, na gaganapin mula Mayo 25 hanggang Hunyo 8 sa Stade Roland Garros Complex sa Paris, France. Ang French Open ay ang ikalawang Grand Slam event ng taon sa professional tennis at kilala bilang isang prestihiyosong kompetisyon na nilalaro sa clay court. Sa torneo ring ito nagtitipon ang mga pinakamahusay na tennis players mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Isang makasaysayang bahagi ng tournament na ito para sa mga Pilipino ay ang pagpasok ng ating pambato na si Alex Eala sa main draw ng women’s singles. Sa edad na 19, si Eala ay patuloy na umaangat sa world rankings. Mula sa pagiging World No. 140, siya ay naging World No. 75 matapos marating ang semifinals ng Miami Open. Sumunod dito ay ang kanyang pag-abot sa ikalawang round ng Madrid Open na nag-angat sa kanya bilang World No. 70. Sa kanyang pinakahuling torneo—ang Italian Open—umangat pa si Eala sa World No. 69.
Sa unang round ng French Open, makakatapat ni Eala si Emiliana Arango ng Colombia, isang 24 taong gulang na ranked World No. 88. Bagamat ito ang kanyang unang pagkakataon na makalaro sa Grand Slam main draw sa senior division, hindi na bago kay Eala ang pressure at kalidad ng ganitong kompetisyon. Siya ay dating multi-time champion sa juniors division ng Grand Slam tournaments.
Kasama ni Eala sa women’s singles ang ilan sa mga pinakamalalaking pangalan sa tennis ngayon tulad nina Emma Raducanu, Iga Swiatek, Coco Gauff, Aryna Sabalenka, Madison Keys, Naomi Osaka, Elena Rybakina, Jasmine Paolini, at Elina Svitolina. Sa men’s singles naman ay lalahok sina Carlos Alcaraz, Jannik Sinner, Novak Djokovic, Alexander Zverev, Stefanos Tsitsipas, Casper Ruud, at Jack Draper.
Hindi lamang singles ang tampok sa French Open. Kasama rin sa kompetisyon ang men’s at women’s doubles, mixed doubles, juniors division, at wheelchair tennis events.
Sa kasaysayan ng French Open, si Rafael Nadal ang may pinakamaraming titulo sa men’s singles na may kabuuang 14 na kampeonato, dahilan kung bakit tinagurian siyang “King of Clay.”
Patuloy ang pagtaas ng antas ng kompetisyon sa Roland Garros at abot-abot ang excitement sa pagbubukas ng torneo ngayong taon, lalo na’t may dala-dalang pag-asa si Alex Eala para sa bandila ng Pilipinas.



































