Dumating na sa Laoag, Ilocos Norte ang buong delegasyon ng Romblon na bahagi ng MIMAROPA Tamaraw Team na lalahok sa Palarong Pambansa 2025. Binubuo ang delegasyon ng 20 student-athletes, 15 sports officials, at 3 head coaches mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan ng Romblon.
Kabilang sa mga sports na rerepresentahan ng Romblon ay ang Volleyball Boys – Elementary, na kinakatawan ng mga student-athlete mula sa Odiongan North Central Elementary School (ONCES).
Kasama sa koponan sina Kurt Daniel Castro, Mark Jayson Dalisay, Ryan Razel de Juan, Jayden Famarisan, James Lourence Fegurasin, RG Fetalver, Zyrelle Forcadas, Henry Jazz Mangao, Prince Galo Mariñas, Ram Reamiel Morgado, Brent Liam Panoy, at Abram Jed Suyat. Pinangungunahan ang koponan ng kanilang head coach na si Samuel Dalisay at assistant coach na si Jona Liza Formilleza. Ito na ang ikalawang sunod na taon na sasabak sa Palarong Pambansa ang mga atleta mula ONCES, at pangalawang pagkakataon rin na pangungunahan ni Coach Dalisay ang naturang koponan.
Sa larangan naman ng Athletics – Elementary, kasama sa delegasyon sina King Archilles Fetalvero mula sa Tumingad Elementary School sa Odiongan at Vince Labastida mula sa Cabolutan Elementary School sa San Agustin.
Para sa Secondary Level, kabilang sa mga atleta mula Romblon na magrerepresenta sa MIMAROPA ay sina Jamella Villaresis mula sa Agojo Integrated School sa Looc para sa Athletics, Frex Abrenica mula sa Odiongan National High School para sa Table Tennis, Peter Cliff Tumbagahon mula sa Santa Fe National High School para sa Chess, Lee Anselm Lozada mula sa Cajidiocan National High School para sa Billiards sa ilalim ng pangangasiwa ni Coach Mary Ann Fernando, Alexis Rico mula rin sa Cajidiocan National High School para sa Athletics, at Justin Madeja mula sa Romblon National High School na bahagi naman ng Football Team ng MIMAROPA.
Ang mga student-athlete na ito ay pawang mga kampeon at standout performers mula sa nakaraang MIMAROPA RAA Meet 2025 na ginanap sa Puerto Princesa, Palawan.
Ang Palarong Pambansa 2025 ay opisyal na magsisimula sa Mayo 24 at magtatapos sa Hunyo 2, 2025. Inaasahan ng buong lalawigan ng Romblon na muling maipapamalas ng kanilang mga atleta ang husay, tapang, at determinasyong mag-uwi ng karangalan para sa rehiyon at lalawigan.



































