Pinabulaanan muli ng Philippine Coast Guard (PCG) at ng Montenegro Shipping Lines ang mga ulat ng umano’y overloading sa isang barko na biyaheng Batangas patungong Odiongan, Romblon, noong Abril 13, 2025.
Ayon kay PCG deputy spokesperson Commander Michael John Encina, lumabas sa isinagawang imbestigasyon ng PCG kasama ang Philippine Ports Authority (PPA) at Maritime Industry Authority (MARINA), sa utos ni Transportation Secretary Vince Dizon, na walang overloading na naganap.
“Na-clear na natin ang report dito mismo sa cognizant shipping agency. At napag-alaman natin na ‘yung ulat ng overloading ay hindi totoo,” pahayag ni Encina sa isang panayam sa Super Radyo dzBB.
Dagdag pa niya, “Ang nangyari po roon ay umalis on time ang barko at may ilang pasaherong hindi nakahabol sa biyahe. Ngunit ang mga ito ay hindi rin nakabili ng ticket.”
Matatandaang noong Martes ay inihayag ni Secretary Dizon na naglabas ang MARINA ng show cause order laban sa Montenegro Shipping Lines, Inc. dahil sa hinalang overloading.
Inimbestigahan din ng DOTr ang insidente matapos maiulat na nagbenta umano ang barko ng ticket na lampas sa kapasidad nito. Ngunit sa paunang imbestigasyon ng PCG, nilinaw ni Encina na walang labis na bentahan ng ticket ang naganap.