Umabot na sa kabuuang 25 bagong ambulansya ang naipamahagi sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan ng Romblon, ayon sa tanggapan ni Governor Jose R. Riano.
Ang mga ambulansya ay mula sa pakikipag-ugnayan ng pamahalaang panlalawigan sa iba’t ibang ahensya ng pambansang pamahalaan at mga institusyong nagbibigay suporta sa serbisyong pangkalusugan.
Kabilang sa mga tumulong ay ang Department of Health (DOH) MIMAROPA, Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), at Pitmaster Foundation.
Sa isang pahayag, sinabi ng gobernador na ang mga ambulansya ay ipinamahagi sa mga ospital, municipal health offices, at Rural Health Units (RHUs) sa iba’t ibang munisipalidad ng Romblon.
Ayon pa sa gobernador, layunin ng proyekto na mapabuti ang transportasyon ng mga pasyente at mas mapabilis ang pagresponde sa mga medikal na pangangailangan, partikular sa mga lugar na kabilang sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA).
Dagdag nito, ang proyekto ay bahagi ng pagpapalakas ng lokal na sistema ng serbisyong pangkalusugan sa lalawigan. (PR)