Iniimbestigahan na ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang sunog na sumiklab kahapon ng hapon sa isang tindahan ng mga motorsiklo sa bayan ng Romblon, Romblon.
Ayon sa inisyal na ulat, pasado alas-5 ng hapon noong Pebrero 15 nang makatanggap ng tawag ang mga bombero hinggil sa insidente. Agad silang rumesponde at sinimulang apulahin ang apoy sa loob at labas ng gusali.
Nagpakita rin ng bayanihan ang mga residente sa lugar sa pamamagitan ng pag-iigib ng tubig upang makatulong sa mga bumbero sa pag-apula ng sunog.
Sa kasalukuyan, wala namang naiulat na nasaktan sa insidente habang patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng sunog.