Sinimulan nang ipatupad ngayong taon ang ordinansa ng bayan ng Romblon na nagbibigay ng cash incentives sa mga mag-asawang umabot sa kanilang Golden at Diamond Wedding Anniversary.
Nitong Miyerkules, Pebrero 26, 134 na mag-asawa ang nagdiwang ng kanilang Golden Wedding Anniversary sa isang espesyal na programa na inihanda ng lokal na pamahalaan. Bilang pagkilala sa kanilang matatag na pagsasama, bawat isa sa kanila ay tumanggap ng P10,000 cash incentive mula sa pamahalaang bayan.
Ang ordinansang ito ay isinulong ni SB Mart Arthur Silvero, kasama sina SB Hannah Fontilar at SB Fernando Faigao, upang bigyang-pugay ang mga mag-asawang nanatiling matibay sa loob ng 50 taon. Samantala, ang mga aabot naman sa 60 taon ng pagsasama o Diamond Wedding Anniversary ay makakatanggap ng P20,000 cash incentive.
Bukod sa pamamahagi ng insentibo, nagsagawa rin ng renewal of vows ang mga senior couples bilang bahagi ng kanilang pagdiriwang.
Layunin ng programang ito na kilalanin at ipagdiwang ang habambuhay na pagmamahalan ng mga mag-asawang Romblomanon, na nagsisilbing inspirasyon sa susunod na henerasyon.