Bumaba ng 30.5 porsyento ang crime rate sa rehiyon ng Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan) sa unang dalawang linggo ng taon, batay sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 4B.
Ayon kay PRO-4B director Brig. Gen. Roger Quesada, 139 na insidente ng krimen ang naitala mula Enero 1 hanggang 13, mas mababa sa 200 insidente na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ipinakita rin ng ulat ng Regional Investigation and Detective Management Division na bumaba ng 64.10% ang walong pangunahing krimen—murder, homicide, physical injuries, rape, theft, robbery, carnapping, at motorcycle theft. Labing-apat na kaso lamang ang naiulat ngayong taon kumpara sa 39 insidente noong nakaraang taon.
Nabanggit din ang malaking pagbaba ng mga insidente ng rape (92.31%), pagnanakaw (80%), at physical injuries (33.33%).
Tiniyak ni Brig. Gen. Quesada na patuloy na gagampanan ng mga awtoridad ang kanilang tungkulin upang masiguro ang kaligtasan at kapayapaan sa rehiyon. Ang tagumpay na ito ay resulta umano ng mas pinahusay na pagpapatrolya, komunidad na aktibong nakikilahok, at epektibong implementasyon ng mga crime prevention measures.