Nasawi ang isang repairman matapos itong mahulog mula sa ikalawang palapag na gusali habang nagkakabit ng aircon sa bayan ng Romblon, Romblon nitong umaga ng May 5.
Ayon sa doctor na sumuri sa biktima, inatake umano ng heatstroke ang repairman habang nagkakabit ng aircon sa isang paupahan.
Sa ulat ng pulisya, ang biktimang si Moral Martos, 35, ay umakyat sa ikalawang palapag gamit ang ladder habang ang kasama nito ay umakyat at dumaan sa hagdan ng paupahan. Pagdating ng kanyang kasama sa ikalawang palapag, napansin nito na wala ang biktima sa pwesto niya kaya binalikan niya ito sa baba.
Dito na niya nakitang nakabulagta sa baba si Martos.
Sinubukan pa itong dalhin sa Romblon Provincial Hospital ngunit idineklara ding dead on arrival.
Sa ulat ng PAGASA, umabot ng 39 degree Celsius ang heat index sa bayan ng Romblon, Romblon nitong May 5.