Malubha ang lagay ng isang pintor matapos itong mahulog mula sa ikatlong palapag ng ginagawang multi-purpose building sa Capitol grounds nitong umaga ng Biyernes, May 10.
Kinilala ng Romblon Municipal Police Station ang pintor na si Jonas Baldemoro, 39, residente ng Barangay Logbon.
Ayon sa kanilang imbestigasyon, magpipintura ng exterior trusses ang biktima nang mawalan ng balanse at mahulog sa gusali. Hindi umano naka-lock ang carabiner ng biktima sa tali dahilan kung bakit ito bumagsak sa ground floor.
Agad namang isinugod ang duguang biktima ng kanyang mga kasama sa Romblon District Hospital para agad na gamutin.
Sa panayam ng Romblon News Network kay Major Gemie Mallen ng Romblon Municipal Police Station, sinabi nito na patuloy na inoobserbahan ang lagay ng biktima sa ospital.