Patay ang isang magkasintahan matapos silang maaksidente sa motorsiklo nitong gabi ng Valentine’s Day sa Barangay Lonos, Romblon, Romblon.
Kinilala ang nasawi na si Segundina Magay, 50, at Anan Altabanon, 50, residente ng Barangay Agnay.
Ayon sa ulat ng Romblon Municipal Police Station, pauwi na umano ang dalawa sakay ng isang motorsiklo nang maaksidente. Pagdating umano ng motorsiklo sa may palikong daan sa harapan ng Marquez abandoned house, sumalpok sila sa isang concrete pavement sa tabi ng kalsada dahil sa bilis ng kanilang patakbo.
Hinihinalang nakainom umano ang dalawang sakay ng motorsiklo ayon sa ulat ng pulisya.
Nagtamo ng head injury ang biktimang babae na dahilan nang kanyang pagkasawi. Dead on arrival ito nang dumating sa Romblon District Hospital.
Nasawi din kinalaunan ang driver ng sasakyan base sa update ng kapulisan.