Nasunog pasado ala-una kaninang madaling araw ang isa sa mga gusali sa Nonok Beach Resort sa Barangay Lonos, Romblon, Romblon.
Sa ulat ng Romblon Municipal Police Station, sa kisame ng gusaling gawa sa light material nangsimula ang sunog dahilan para mas mabilis na kumalat ang apoy sa iba pang bahagi ng gusali.
Ayon naman sa Romblon Fire Station, umabot sa first alarm ang sunog at huli na nang maiulat sa kanila na may nangyayaring sunog sa lugar.
Mag-aalas dos nang ideklara ng Romblon Fire Station na fire out na ang apoy.
Tinatayang aabot sa P200,000 ang kabuoang pinsala sa nasunog na gusali.
Patuloy ang imbestigasyon ng Romblon Fire Station sa insidente.