Aabot sa 79 na pasahero ang stranded ngayon sa isla ng Romblon, Romblon matapos kanselahin ang mga biyahe ng barko paalis ng probinsya dahil sa nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 dahil parin sa bagyong Egay.
Ayon sa Romblon MDRRMO, patungo ng Lucena ang mga stranded at galing pang Sibuyan Island. Kasalukuyan silang nananatili ngayon sa covered court ng Poblacion 1.
Nagpadala na ng pagkain ang lokal na pamahalaan para may makain ang mga stranded na pasahero.
Sa pinakahuling update ng Pagasa, nakataas parin ang signal no. 1 sa mga bayan ng Banton, Corcuera, Romblon, Magdiwang, Cajidiocan, at San Fernando.
Huling namataan ang mata ng bagyong Egay sa layong 500km East ng Baler, Aurora at gumagalaw patungong North Northwestward.