Nasawi ang isang lola sa Barangay Lonos sa Romblon, Romblon matapos itong pagbabarilin di umano ng kanyang bayaw na kanyang nakaalitan hapon ng June 1 sa Mindo’s Compound.
Batay sa kwento ng isang Jeffrey Vilante, narinig umano niya na nagtatalo ang biktimang si Lydia Garcia, 72, at ang asawa ng dating pulis na si Renato De Chavez, 62, dahil sa pagpapalit steel gate sa kanilang compound. Dahil sa pagtatalo, pinalo umano ng iron pipe ng biktima ang asawa ng pulis, pero napigilan sila ni Vilante.
Ilang sandali pa ay dumating ang suspek dala-dala ang isang belt bag. Hindi nagtagal ay bumunot umano ng baril ang suspek at nagpaputok ng warning shot sa semento. Batay pa sa police report, sa hindi pa alam na dahilan ay pinaputukan umano ng suspek ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad na dinala ang biktima sa Romblon District Hospital ngunit idineklara ring dead on arrival.
Ang suspek naman ay sumuko umano kay Police Staff Sgt. Carlos Hicban III dala ang kanyang baril.
Ayon kay Major Gemmie Mallen, hepe ng Romblon Municipal Police Sation, nakarekober ang imbestigador nila sa crime scene ng mga bala ng caliber .45 na baril.
Nagsagawa na ng paraffin test examination ang pulisya sa suspek at isasalang rin sa Ballistic Exam at IBIS verification ang baril ng suspek.
Sa pinakahuling update, sinabi ni Major Mallen na sinampahan na nila ang suspek ng kasong murder sa Provincial Prosecutor’s Office.