Tutukan ng pamahalaang lokal ng Cajidiocan sa Romblon ang mga kakulangan ng mga barangay na mababa ang ranking sa ginanap na Barangay Based Institution Audit (BBI) ng Department of Interior and Local Government noong nakaraang buwan.
Sa isang mensahe ay sinabi ni Mayor Marvin Ramos na dapat itong tutukan para mas maipabot ng mabilis at maganda ang mga serbisyo ng lokal na pamahalaan sa publiko.
Ang BBI Audit sa 14 na barangay ay isinagawa sa pangunguna ni MLGOO Ronald Allan Fabellon at ABC President Angelyn Rizo, kasama ang mga Audit Committee mula sa Municipal Local Government Unit.
Layunin ng BBI Audit na mapalakas ang kakayahan ng mga barangay special bodies sa kanilang mga tungkulin na magampanan ito at maipatupad ng tama ang mga programa ng lokal at pambansang gobyerno sa pamamagitan ng pagsasaayos sa pag file ng mga dokumento at ibang mga trabahong kanilang ginagampanan.
Ayon sa alkalde, ito na ang ika-4 na taong nagsasagawa ng BBI Audit sa kanilang bayan.