Pormal nang pinasinayaan at isinagawa ang turnover ng bagong gusali ng Tabobo-an Elementary School sa Barangay Tabobo-an, Odiongan, Romblon nitong Nobyembre 27, 2026, kasabay ng pagkumpleto sa iba pang pagkukumpuni ng mga silid-aralan na pinondohan ng Department of Education (DepEd).
Batay sa project marker na inilagay sa paaralan, umabot sa ₱5,136,145.98 ang pondo mula sa DepEd Fund para sa Fiscal Year 2025 na inilaan sa konstruksyon ng bagong gusali at pagkukumpuni ng iba pang mga silid-aralan sa paaralan.
Layunin ng proyekto na mapabuti ang mga pasilidad ng paaralan at magkaroon ang mga mag-aaral at guro ng mas maayos, ligtas at komportableng kapaligiran para sa pagtuturo at pagkatuto.
Dumalo sa seremonya ang mga kinatawan ng Schools Division of Romblon, Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon, Pamahalaang Bayan ng Odiongan, DepEd, Department of Public Works and Highways (DPWH), at mga opisyal ng Barangay Tabobo-an.
Nagpasalamat naman ang pamunuan ng paaralan sa mga ahensiya ng pamahalaan at iba pang katuwang na naging bahagi ng pagsasakatuparan ng proyekto.
Inaasahang makatutulong ang mga bagong pasilidad at inayos na mga silid-aralan sa pagpapabuti ng kondisyon ng pag-aaral at pagsuporta sa pangangailangan ng mga mag-aaral at guro ng Tabobo-an Elementary School.


























