Layuning bigyan ng sapat na kaalaman at kumpiyansa ang mga kababaihang may kapansanan upang makilala at maipaglaban ang kanilang mga karapatan at maprotektahan ang sarili laban sa anumang uri ng karahasan sa pamamagitan ng isinagawang “Lakas at Ligtas: Violence Against Women Awareness and Empowerment Forum for Women with Disabilities.”
Dinaluhan ang forum ng mga kababaihan mula sa iba’t ibang barangay sa pangunguna ni Mary Jane Coching, pangulo ng PWD Women’s Association.
Nagbahagi ng kaalaman tungkol sa Violence Against Women (VAW) sina SF02 Nova G. Fetalco, PCPL Sarah Musa Martirez, at MSWDO Aphril Jane Gamit. Tinalakay nila ang iba’t ibang uri ng karahasan, kabilang ang pisikal, emosyonal, sikolohikal at seksuwal na pang-aabuso.
Ipinaliwanag din ang tungkulin ng VAW Desk, mga palatandaan ng karahasan, at mga karapatan ng kababaihan sa ilalim ng batas. Binigyang-diin ang mga hakbang sa pagsusumbong, paghahain ng reklamo at paghingi ng tulong sa mga kinauukulang ahensiya.
Binigyang-pansin din sa talakayan ang mga hamong kinakaharap ng kababaihang may kapansanan, na maaari ring makaranas ng diskriminasyon, pang-aabuso at hindi pantay na pagtrato.
Naging pagkakataon ang forum para makapagbahagi ang mga kalahok ng kanilang mga saloobin, katanungan at karanasan hinggil sa mga isyung kinakaharap ng kababaihan sa kanilang mga komunidad.


























